Ang Aking Tito Doming

Nakatayo ako nang binababasa ko ang text galing kay Leo. “Patay na si Tatay,” sabi ng text. Napaluhod ako at tinakpan ko ang mga mata ko. Kusang nahugasan ang aking mukha, parang Hinulugang Taktak.

Ngayon, habang isinusulat ko itong huling tamis ng alaala, iniisip ko bakit para yatang katulad din nang pagkalungkot ko sa pagkamatay ng aking Tatay, ang pagkamatay ng aking Tito Doming. Bakit?

Hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit gayon na lang ang pagkalungkot ko.

Siguro, kung sasamahan ninyo ako saglit sa aking pagtahak ng nakalipas ay sabay-sabay nating maiiintindihan ang aking pighati.

Ang mga una kong litrato ay kasama ko ang Tatay, ang Nanay at ang aking Ate sa Iloilo. Nandoon si Tito Doming. Sa Iloilo, katabi ko.

Nang pinalabas ang Magnificent Seven sa Odeon, andun kaming dalawa, blow out niya. Eh, hitik na hitik ang tao. Wala akong makita. Pasilip-silip lang ako sa pagitan mga baywang ng mga nakatayo. Ang ginawa ng Tito Doming, inangkas ako sa batok niya. Halos buong sine, nakaupo ako sa batok niya. Ngayon, bihira na akong makakita ng ganung tiyo. Usually, pag may-edad kasama ang bata ngayon, ano ang tawag? (Pedophile.) Iba na talaga ang panahon ngayon!

Bano ako sa cupping saw sa Industrial Arts sa Singalong Parochial School noon. Ibabagsak na daw ako ng teacher ko kung wala akong maiisasabmit na Mickey Mouse cut out sa plywood. Nandoon si Tito Doming, nilagare niya ng pinung-pino ang tagiliran ng hugis ng mukha, tenga at katawan ni Mickey Mouse, at kinulayan pa. Pumasa ako sa Industrial Arts.

Minsan, piyesta sa Tondo. Nakatira kami sa San Andres Bukid noon. Sabi ng Tito Doming, “Halika, pupunta tayo sa crush ko.” Hindi naman niya talagang sinabing crush, at wala namang crush crush noon. Basta dinala niya ako doon, sa may tulay. Ang akala ko, pupunta kami sa bahay ng irog niya, uupo, kakain, papakinggan kong dumiga ang Tito ko. Hindi po yun ang nangyari. Sinulyapan lang po niya ang bahay. Parang ang saya saya na niya. Alam ko pa po hanggang ngayon ang ngalan nung sininta niya, si Perla. Since idol ko ang Tito sa lahat kasi ubod ng pagkalalaki, eh, ang akala ko ganun po talaga manligaw. Masulyapan lang ang bahay, ayos na. Eh, di ginaya ko po ang istilo ng idol ko. Kaya naman po matagal-tagal bago ako nagka-girlfriend. Kumuntik na nga po ako maging matandang binata kung hindi ako binambo ng aking Nanay.

Sa Naga, nagkaroon ako ng aso. Malungkutin ang aso ko, sapagkat gustong makipagharutan, eh, hindi ko naman alam mangharot ng aso. Akala ko pag binuksan ng aso ang bibig niya eh mangangagat na. Andyan na naman si Tito Doming. Pag dating niya sa bahay, galing Maynila, nakita ang aso kong mestizong German Shepherd, tuwang-tuwa siya. Nagharutan sila. Kagat dito, kagat doon ang aso sa tao. Naglaro sila. Pinakilala ni Tito Doming sa akin ang aso, na hanggang ngayon ay hilig ko. Isa na po akong matuturing na dog whisperer kung nakatira tayo sa Amerika. Nakakausap ko po ang mga aso ko. Maski po asong kalye kaya kong pagsabihan.

Sa Naga rin, minsan napaaway ang Nanay. Yun naman kasing isang negosyante, eh, nung nakitang successful ang Nanay sa gift shop ng mga Hong Kong goods, eh, hindi lang gumaya, tinabihan pa yung puwesto namin. Eh, siyempre galit na galit si Doña Aurora. Doon ko nakita ang pagmamahal ng Tito ko sa kanyang Ate, ang Nanay ko. Alam ninyo ba ang ginawa ng Tito kong macho? Hiniram yung gulok ko na ginagamit ko sa pag-Bo-Boy Scout at ibinalot sa dyaryo. Ang sabi sa akin ng aking mahal na Tiyo, “Boy, pag may nangyari, ha, tatakbo ako sa istasyon ng tren. Huwag mong sasabihin kung saan ako nakatira.” Ala eh, ang Tito ko talaga! Hindi talaga papahuli ng buhay! Siyempre, nakatanga lang ako, ‘di ko naman na gets kaagad na pupuruhan niya ang kalaban ng Ate niya! Mabuti na lang, eh, huminahon ang Nanay. Huminahon na rin ang ating bida. Ibinalik sa akin ang aking inosenteng jungle bolo.

Macho ang Tito ko, pero maaalahanin. Nung first year ko sa dormitoryo sa UP Diliman, eh, nag-birthday ako. Wala ang mga magulang ko, nasa Naga. Sila ni Tita Deling, dumating sa dorm para batiin ako. Binati lang talaga ako. Yun lang, ‘la namang dalang regalo. Akala talaga ng Tito ko, napakaganda niyang lalake na masilayan ko lang siya eh mapapanaw na ang homesickness ko.

Nung nag-break kami ng unang girlfriend ko sa UP, pumunta ako sa bahay nila ni Tita Deling, para, alam ninyo na, humingi ng payo. Dinatnan ko siya, nag-aalaga ng baboy. Ang sabi ko, “Tito, break na kami ni Bella.” Ang payo niya? Ang sabi niya, “Anong sabi mo? Tingnan mo tong baboy ko ang taba.” Malalim ang Tito ko. Binigyan niya ako ng payo pero hindi naman niya ako binigyan ng payo. Pero naintindihan ko nuon ang ibig sabihin ng move on. “’La yan!” sabi ng macho.

Nung nag-asawa ako at nagkabahay, siya ang taga-martilyo at taga-barena. Hanggang may mga anak na siyang lalake, tinatawag ko pa rin siya. Hanggang sa pinagaliltan na ako ng Nanay.

Nitong mga nakaraang taon, ng lumipat na ng tirahan ang Ate Auring niya na Nanay ko, nang nag-ibang bansa na ang kanyang mga pamangking si Connie at Tina, na Ate at bunsong kapatid ko, nang di na niya mapipisil-pisil ang kanyang mga apong sila Carlo, Brian, Monchito at Francis, na mga pamangkin ko, nang di na niya makainuman ng beer ang kanyang mga kaibigang si Vicente at si Pepe na mga brothers-in-law ko, parang nanlumo ang aking Tito Doming. Di ko naman matapatan ang kahalagahan ng mga mahal niyang ito na yaon na sa ibang lugar.

Paminsan-minsan ay binibisita ko siya. Wala na ang dating mala-Paquiao na pangangatawan niya. Tuwing makikita ko siya, para siyang isang kandila na paunti-unting gumuguho ang kabalatan. Haaay…

Maraming naituro sa akin ang aking Tito Doming. Ang magmahal ng dalisay at buong katapatan. Ang tumindig sa tingin niyang tama. Ang maging matiisin, maaasahan. Ang maging simple at mapagkumbaba. Meron pa siyang huling ituturo sa akin.

Mahal na mahal niya ang kanyang mga anak at mga apo. Walang relationship na perpekto, pero di siya tumitiwalag. Matigas ang ulo niya, maskulado siya, pero pusong mamon siya.

Sana ay maintindihan ko rin ang huling leksiyon niyang ito.

O, ayan, naiintindihan ko na kung bakit napaluhod ako nang malaman kong wala na ang aking Tito Doming. Sana, kayo rin ay may napulot sa kakarampot na kuwento ko.

Salamat po sa inyo, sa inyong pagdalo.

Add Comment Register



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Connect with Facebook

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>